ISYU: Bayan Ang naapektuhan Kapit-bisig Ang kailangan
Isang malayong bayan na may iba't ibang taong naninirahan minsan nawawalan ng pagkakaisa't di marunong magmahalan. Kung hindi naman ay kawalan ng pag-asa ngunit patuloy pa ring naniniwala na isang araw, isang umaga gigising ang lahat na may ngiti sa kanilang mga labi. Walang gulo at bawat isa'y magtutulungan at kapit-bisig na magdadamayan. Ang buhay ay punong-puno ng pagsubok o hamon mga problema na kailangang solusyunan bago pa man lumala at marami ang maapektuhan. Paano nga ba? uupo ka na lang ba at walang gagawin tumayo ka't samahan akong baguhin ang kanilang nakasanayan.
Una, bakit nagkakaroon ng gulo? ang dahilan lamang ay walang nangingibabaw na pagmamahal sa isa't isa. Nagiging makasarili kumbaga, hindi man lang marunong makipagkapwa. Kung sana lahat ay marunong magmahal sana'y payapa't walang ingay ang isang lugar o pamayanan. Sa sitwasyong ito dapat ikaw, ako at tayo, sa ating mga sarili magsisimula ang lahat. Ang pagkakaisa ay isang matibay na pundasyon na hindi masisira dumating man ang mga suliranin at umabot man ng taon. Ang disiplina na kaylangan meron ang bawat isa ngunit tila nawawala na parang bula at nabubura. Ilagay natin sa ating puso't isipan na ang hinahangad na kaayusan ay magsisimula sa ating mga kamay sa ating sariling paraan. H'wag na nating hayaang malugmok ng tuluyan sa mga problemang kinakaharap ng ating pamayanan. H'wag na nating hintaying may magsabi kung anong dapat gawin magkaroon ng kusa ang lahat.
Dumako naman tayo sa problemang pangkalusugan, ang tubig na kailangan para mabuhay at para sa araw-araw na pangangailangan ngunit tila nagkukulang. Kapag may pasok, syempre para makatipid isa, dalawa hanggang tatlong maliit na lalagyan maski hilamos na lang pwede na 'yan. Lalong-lalo na pagtag-init dyan talaga mararanasan ang isang linggong walang liguan. Pero kung may ilog o balon naman may pagkakataon kang makaligo, ay kung wala tiis-tiis na lang baka himalang umulan. Maaaring naging isyu ang kakulangan sa tubig ngunit nakikita ko pa rin na hindi lang sa kalikasan ang nagiging problema kundi sa atin. Minsan inaabuso natin at nakakalimutan ang tamang paggamit nito. Hindi natin naiisip kung isang araw mawawala na lang ito ng tuluyan at sana naman ay hindi mangyari. May minsang pinapabayaan na lang ng iba na may mga nasirang tubo na dapat nang ayusin at palitan ngunit tila walang pakiramdam. Kung pwede lang palitan at baguhin din ang namumuno ginawa ko na.
Isang isyu din ang minsang nagbibingi -bingihan ang mga nakatataas sa hinaing ng taong bayan. Nakakalimutan nila na bago sila umupo sa kanilang trono ang mga tao ang bumoto at naniniwalang handa silang makinig sa bawat miyembro para sa ikabubuti ng lahat. H'wag na tayong magbulag-bulagan at maging pipi na iparinig sa lahat ang boses na ang nais lamang ay kabutihang pan-lahat. Aksyon ang kailangan hindi puro salita, ngayon palang dapat na tayong kumilos para sa ika-uunlad ng ating komunidad dahil ang pag-unlad nito ay pag-unlad din ng ating mga sarili. Hawak kamay, sama-sama nating pahalagahan ang ating bayan.
Comments
Post a Comment